Senado, Isinusulong ang ‘Bagong Balikbayan Act’ para sa Returning OFWs

Isinusulong ni Sen. Raffy Tulfo sa Senado ang Senate Bill No. 2423, o “Bagong Balikbayan Act,” na naglalayong magtatag ng komprehensibo, tuloy-tuloy at pangmatagalang reintegration program para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na nagbabalik sa Pilipinas.

Sa ilalim ng panukala, magsisimula ang paghahanda sa pagbabalik ng OFW anim na buwan bago ang kanyang aktuwal na pag-uwi. Nakatuon ang programa sa apat na pangunahing aspeto: edukasyon, psychosocial at social support, pagnenegosyo, at paghahanap ng trabaho.

Itinatakda rin ng panukala ang pagbuo ng isang information system na makatutulong sa job matching, pagkilala sa kakayahan ng mga OFW, skills training at pagbibigay ng oportunidad sa trabaho. Para naman sa mga nais magnegosyo, kabilang sa isinusulong ang mentorship, capacity-building at access sa mga programang pautang at financing.

Ayon kay Tulfo, hindi dapat matapos sa cash assistance at food packs ang tulong ng pamahalaan sa mga OFW. Mahalaga umanong magkaroon sila ng konkretong oportunidad upang makapagsimulang muli at magamit sa sariling bayan ang kaalaman at kasanayang kanilang nakuha sa ibang bansa.

Kaisa ang Department of Migrant Workers (DMW), OWWA at iba pang ahensya sa pagpapalakas ng mga programang nagbibigay sa ating mga Bagong Bayani ng mas matatag na kabuhayan, trabaho at suportang psychosocial sa kanilang pagbabalik-bansa. Layunin ng panukala na gawing mas maayos ang kanilang paglipat mula sa pagtatrabaho sa ibang bansa tungo sa isang ligtas at produktibong bagong kabanata sa Pilipinas.

Related Posts

What Can You Say About This?

Comments

Add Comment