OFW sa Saudi Arabia, Ikinulong at Hindi Pinakain ng Amo sa Loob ng Tatlong Araw

Kalbaryo ang sinapit ng isang 27-anyos na overseas Filipino worker (OFW) mula Iloilo City matapos umano siyang ikulong at hindi pakainin ng kanyang amo sa Saudi Arabia sa loob ng tatlong araw.

Agosto 11 nang dumating sa Saudi Arabia si Leonor Falcis upang magtrabaho bilang domestic helper. Ayon sa ulat ng GMA Regional TV, agad siyang pinaglinis ng bahay nang 22 oras sa kanyang unang araw sa trabaho. Kinabukasan, 19 oras naman umano siyang pinagtrabaho at pag-ihi at pag-inom lamang ng tubig ang kanyang pahinga.

Sa ikatlong araw, nakiusap si Leonor sa kanyang among Saudi national na bigyan siya ng kahit 30 minutong pahinga. Sa halip na pagbigyan, nagalit umano ang amo, ikinulong siya sa kanyang silid at hindi pinakain sa loob ng tatlong araw.

Habang nakakulong, nagawa pa niyang magpadala ng voice message sa kanyang asawa at ikuwento ang kanyang kalagayan.

Nakiusap din si Leonor na ibalik na lamang siya sa kanyang recruitment agency. Kalaunan, isinakay umano siya ng kanyang amo sa isang sasakyan patungong Jeddah. Nang malaman niyang Pilipino ang driver, nagmakaawa siyang ihatid sa tanggapan ng kanyang agency.

Ayon sa kanyang asawa, labis na na-trauma si Leonor at ayaw na nitong mailipat sa ibang employer. Nais na lamang umano niyang makabalik sa Pilipinas.

Nakarating na sa OWWA Region 6 ang kanyang kaso at kasalukuyang pinoproseso ang pagpapauwi sa kanya nang walang gastos sa pamilya. Kailangan munang kanselahin ang kanyang working visa at kontrata bago siya mabigyan ng exit clearance at ma-book ang kanyang flight pauwi.

Hindi nagpaunlak ng panayam ang mga tauhan ng recruitment agency. Gayunman, sinabi ng isang nakausap ng news team na nakikipag-ugnayan na sa mga awtoridad ang kanilang central office.

Full Video

Related Posts

What Can You Say About This?

Comments

Add Comment