MANDALUYONG CITY — Ipinamahagi ng Department of Migrant Workers–National Capital Region (DMW-NCR) ang kabuuang ₱3.3 milyong AKSYON Fund assistance sa 64 kwalipikadong overseas Filipino workers (OFWs) at iba pang benepisyaryo noong Agosto 8, 2026 sa DMW Central Office sa Mandaluyong City.
Pinangunahan ni DMW-NCR Regional Director Atty. Ace Falconi V. Millar ang pamamahagi ng tulong para sa mga kwalipikadong OFW, kabilang ang distressed at repatriated OFWs, gayundin ang kanilang mga pamilya.
Bawat kwalipikadong benepisyaryo ay nakatanggap ng ₱50,000 o ₱75,000, depende sa kanilang kategorya at pangangailangan.
Ang AKSYON Fund assistance ay bahagi ng UPLIFT Program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na naglalayong suportahan ang distressed at iba pang kwalipikadong OFWs sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas. Maaari itong makatulong sa kanilang agarang pangangailangan at magsilbing panimulang suporta sa muling pagtatayo ng kanilang kabuhayan.
Binigyang-diin ni RD Millar na hindi nagtatapos sa financial assistance ang suporta ng DMW-NCR. Maaari rin nilang i-endorso ang mga benepisyaryo sa iba pang ahensya ng pamahalaan kung kinakailangan.
“Hindi po nagtatapos dito ang ating ugnayan, kung ano pa ang maipaglilingkod namin sa inyo at kung mayroon pa kayong kailangan sa ibang ahensya ay bukas ang aming tanggapan — DSWD, TESDA, DTI, LGU ay lahat po ng pangangailangan ninyo ay maaari namin kayong i-endorso sa mga ahensya na kailangan ninyong puntahan,” ani RD Millar.
Maaaring lumapit sa DMW-NCR ang mga OFW at kanilang pamilya na nangangailangan pa ng karagdagang tulong upang ma-endorso sa DSWD, TESDA, DTI, LGU, o iba pang kaukulang ahensya.
Para sa karagdagang impormasyon at assistance, maaaring magtungo sa DMW-NCR, 2nd Floor, Blas F. Ople Building, Ortigas Avenue corner EDSA, Wack-Wack, Mandaluyong City 1501.






