Nahuli ng Land Transportation Office (LTO) ang drayber ng taxi na naging viral matapos umanong maningil ng hindi makatarungang pamasahe sa isang dayuhang vlogger.
Sa pangunguna ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao at Law Enforcement Service Director PBGen. (Ret.) Allan C. Nobleza, agad na nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad laban sa taxi driver matapos kumalat ang insidente.
Bilang bahagi ng aksyon ng LTO, kinumpiska ang lisensya ng drayber habang inimpound at inalarma naman ang taxi na sangkot sa insidente. Pinagpapaliwanag din ang operator ng sasakyan kaugnay ng mga reklamong kinakaharap nito.

Image from LTO
Iba pang paglabag, nadiskubre
Sa isinagawang operasyon, lumabas na mayroon pang ibang umano’y paglabag ang operator ng taxi.
Kabilang dito ang Defective Headlight, Unregistered Motor Vehicle, at Breach of Franchise. Ang mga naturang paglabag ay sasailalim sa kaukulang administratibong proseso at aksyon ng LTO.
Ang insidente ay muling nagbigay-diin sa problema ng ilang taxi driver na naniningil umano ng sobra o hindi gumagamit ng tamang sistema ng pamasahe, partikular sa mga pasaherong dayuhan.
Publiko, hinikayat na magsumbong
Muling hinikayat ng LTO ang publiko na agad ireport sa mga kinauukulang awtoridad ang anumang kahalintulad na insidente.
Layunin nitong mabigyan ng mabilis na aksyon ang mga reklamo at mapanagot ang sinumang mapatutunayang lumalabag sa umiiral na batas at mga regulasyon sa transportasyon.
Paalala rin sa mga pasahero na maging mapagmatyag at, kung maaari, itala ang mahahalagang detalye gaya ng plate number, pangalan ng drayber, oras at lugar ng insidente upang makatulong sa paghahain ng reklamo.
The viral video






