Nilinaw ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga patakaran sa paggamit ng OFW Lounge sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), partikular para sa mga pauwing Overseas Filipino Workers (OFWs) na may domestic connecting flights.
Ang paglilinaw ay ginawa kasunod ng karanasang ibinahagi ng isang OFW tungkol sa paggamit ng OFW Lounge sa NAIA Terminal 3. Humingi rin ng paumanhin ang OWWA sa anumang pagod at sama ng loob na naidagdag ng insidente sa pag-uwi ng naturang OFW.
Ayon sa ahensya, mahalaga ang mga puna at mungkahi ng mga OFW upang masuri at mapahusay pa ang pagpapatupad ng mga patakaran at serbisyo nito.
Personal na nagtungo sa OFW Lounge sa NAIA Terminal 3 si OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan, kasama ang OWWA Management, upang makita ang aktuwal na operasyon, makausap ang mga OFW at frontline personnel, at matiyak ang maayos at pare-parehong pagpapatupad ng mga guidelines.
Sino ang maaaring gumamit ng OFW Lounge?
Sa ilalim ng nilinaw na guidelines, maaaring gumamit ng OFW Lounge ang isang pauwing OFW na dumating mula sa international flight at may confirmed domestic connecting flight sa loob ng 24 oras mula sa kanyang actual international arrival.
Gayunman, binigyang-diin ng OWWA na ang 24-hour period ay batayan lamang para sa eligibility at hindi nangangahulugan na maaaring manatili nang tuloy-tuloy sa Lounge sa loob ng 24 oras.
Mananatili ang maximum na anim na oras bawat Lounge visit upang mabigyan ng pagkakataong magamit ng mas maraming OFWs ang pasilidad.
Maaari namang ikonsidera ang extension depende sa available capacity at verified special circumstances, kabilang ang medical needs, senior citizen status, disability, at iba pang sitwasyong nangangailangan ng karagdagang assistance.
Limitado ang kapasidad ng OFW Lounges
Ipinaliwanag ng OWWA na tinatayang nasa 4,000 hanggang 6,000 OFWs ang umaalis mula sa NAIA araw-araw, habang limitado lamang ang seating capacity ng mga Lounge.
May kapasidad na 216 seats ang OFW Lounge sa Terminal 3, habang 140 seats naman sa Terminal 1.
Dahil dito, mahalaga umano ang anim na oras na limitasyon upang magkaroon ng pagkakataon ang mas maraming OFWs na makapagpahinga at magamit ang pasilidad, partikular ang mga malapit na ang oras ng kanilang susunod na biyahe.
Real-time monitoring at queuing system
Mayroon ding online at real-time OFW Lounge Management and Monitoring System ang OWWA na ginagamit upang subaybayan ang bilang ng mga gumagamit at available seating capacity sa bawat Lounge.
Makikita rin ng mga OFW sa display sa labas ng Lounge kung ilan pa ang available slots bago sila pumasok.
Kapag puno ang pasilidad, sinabi ng OWWA na magpapatupad ang personnel ng maayos na waiting o queuing system. Ipapaalam din sa mga OFW ang kasalukuyang occupancy, inaasahang waiting time, at available na assistance.
Frontline personnel pinaalalahanan
Muling pinaalalahanan ng OWWA ang lahat ng frontline personnel tungkol sa tamang pagpapatupad ng guidelines at ang kahalagahan ng maayos na pakikitungo sa mga OFW.
Bukod sa pagsunod sa patakaran, inaasahan ang mga personnel na magpakita ng pag-unawa, pasensya, paggalang, at malasakit, lalo na sa mga OFW na pagod mula sa mahabang biyahe o may espesyal na pangangailangan.
May OWWA officer on duty rin na nakaantabay upang magbigay ng agarang paglilinaw at assistance kung kinakailangan.
Makikipag-ugnayan din ang OWWA sa New NAIA Infra Corp. upang pag-aralan ang mga posibleng hakbang para mapahusay ang operasyon at matugunan ang limitadong kapasidad ng OFW Lounges.
Kasabay nito, nanawagan ang ahensya sa publiko na pairalin ang respeto at pag-unawa at iwasan ang personal na paghusga sa OFW na nagbahagi ng kanyang karanasan at sa mga frontline personnel.
“Patuloy kaming makikinig, kikilos, at magpapabuti,” ayon sa OWWA, kasabay ng pagtitiyak na patuloy nitong isusulong ang “Alagang OWWA, Serbisyong May Puso.”
Para sa feedback o assistance, maaaring tumawag sa OWWA Hotline 1348 o mag-email sa [email protected].






