Hindi nagtatapos sa pag-uwi sa Pilipinas ang tulong at suporta ng pamahalaan para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Bicol.
Nilinaw ni OWWA Bicol Regional Director Jenevie Aguallo na kahit ang mga OFW na tuluyan nang umuwi sa bansa at wala nang planong magtrabaho muli sa ibang bansa ay maaari pa ring makinabang sa ilang programa at serbisyo ng ahensya.
Bagama’t hindi na maaaring mag-renew ng OWWA membership ang isang dating OFW kung wala na itong planong bumalik sa overseas employment, may mga programang nakalaan para makatulong sa kanilang reintegration at sa kapakanan ng kanilang pamilya.
Family services at livelihood assistance
Kabilang dito ang OFW Family Services, kung saan tinutulungan ng OWWA ang mga pamilya ng OFWs at dating OFWs na makabuo at makapag-organisa ng mga asosasyon.
Sa pamamagitan ng mga asosasyong ito, maaaring maipaabot sa mga miyembro ang iba’t ibang programa gaya ng skills training at iba pang development at interactive activities.
Mayroon ding Tulong PUSO Program, isang livelihood assistance program para sa mga kwalipikadong OFW family organizations na handa nang magsimula o magpalago ng negosyo. Kabilang sa mga requirement ang pagiging maayos at rehistradong samahan alinsunod sa mga itinakdang patakaran.
Scholarship para sa mga anak ng OFWs
Inihayag din ng OWWA Bicol na malapit nang buksan ang scholarship application para sa School Year 2026–2027.
Maaari itong applyan ng mga kwalipikadong anak ng aktibong OFWs na papasok o kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo. Sa ilang sitwasyon, maaari ring maging benepisyaryo ang nag-iisang kapatid ng OFW na walang asawa, basta aktibo ang OWWA membership sa panahon ng aplikasyon at natutugunan ang iba pang requirements ng programa.
P20,000 bereavement assistance
Isa pa sa mga benepisyong binigyang-diin ng OWWA Bicol ang ₱20,000 bereavement assistance sa ilalim ng Welfare Assistance Program.
Ayon kay Aguallo, kahit paso na ang OWWA membership ng isang OFW, maaari pa ring maging kwalipikado ang kanyang pamilya sa naturang tulong sakaling pumanaw ang OFW, basta may naitalang OWWA membership o kontribusyon at pasok sa umiiral na qualification requirements ng programa.
OFWs, pinapaalalahanang i-check ang membership
Pinaalalahanan naman ang mga kasalukuyang nagtatrabaho abroad na regular na i-check ang status ng kanilang OWWA membership, na karaniwang may bisa sa loob ng dalawang taon.
Mahalaga ang aktibong membership upang magkaroon ng access ang OFW at kanyang pamilya sa iba’t ibang benepisyo at serbisyong nakalaan para sa mga miyembro.
Patuloy naman ang OWWA sa pagpapalawak ng information campaign nito upang mas maraming OFWs, dating OFWs at kanilang pamilya ang magkaroon ng kaalaman at pagkakataong mapakinabangan ang mga programa at serbisyong inilaan para sa kanila.
More details







How to register to owwa program bikol?
Ako 1990 Hanggang 2021 wla akong nakuha kahit Piso Ngayon Dito n ako sa pinas walang trabaho at may sakit pa ano makukuha ko 69 yrs,old ako
Paano po maka register from Davao del Norte need ko po talaga kc Hinde na Ako mag balik abroad !